Mga Bagong Pu-pwesto sa Minanang Senado

Mga Bagong Pu-pwesto sa Minanang Senado

Habang inaabangan natin ang final na bilang ng mga boto mula sa COMELEC, tila nagiging obvious na ang “winning formula” sa kakatapos na 2013 elections –“fresh new faces but same old surnames.” Kung titingnan natin ang nasa Top 9 na mga Senatorial candidates -Legarda, Escudero, Binay, Aquino, Villar, Ejercito, Honasan, Angara, kahit na nga sina Cayetano at Pimentel –maitatanong natin kung ano nga ba ang nagbago?

Sila-sila pa rin naman. Anak. Asawa. Kapatid. Ilang taon nang nakaukit sa Senado ang apelyido nila. Kaninong kasalanan at sila-sila na naman? Wala. Maliwanag naman ang tinig ng sambayanan. Sila ang nanalo at nagkamit na pinakamaraming boto. Ito ang diwa ng demokrasya. Sila ang pinili at iniluklok ng tao. Subalit maaaring tama rin na sabihin na ang klase ng mga pinuno na meron ang isang bayan ay salamin ng klase ng mamamayan. Sa mga kandidatong ito nakikita ng taong-bayan ang maliwanag na magdadala sa kanila sa magandang kinabukasan. Bakit may political dynasty? Dahil ba sa kakulangan ng batas na nagbabawal dito? Hindi. Kung tutuusin, gusto rin kasi ito ng tao. Ika nga ng mga matatanda, “aba bakit ka pa magbabakasali? Dun ka na sa subok na. Doon ka sa kilala.”

Sinasabing 80% ng information patungkol sa mga kandidato ay galing sa media kung saan pinakamalaki ang ambag ng telebisyon. Noong 2010 elections, dumepende ang ranking ng mga nanalong kandidato sa ranking ng ginasta nila sa mga television ads. Ngayong 2013, naging laban ito ng apelyido sa gitna ng ilang buwan din na pinag-tatalunan na paghahari ng mga political dynasties. Pero tila walang epek ang mga diskusyon at consciousness-raising. Tingnan na lang natin ang pamilya Binay –ang ama Vice-President, ang mga anak ay ngayon mauupong Senador, Congressman at Mayor. Ang pamilya Estrada –si Erap mayor na ng Maynila, at ngayon dalawa na ang anak niya sa Senado sa napipintong pagka-panalo ni JV Ejercito. Kahit pa sabihin na natin na family trade nila ang pulitika at pagiging opisyal ng bayan, pero may tila mali kung magsasabay kayong magkakapatid sa pwesto –isang halimbawa sa Senado.

Mabuti na lamang at tila may senyales naman tayo ng pag-asa na may hangganan ang pasensya ng Pilipino. Sa local elections, maraming dinastiya ang winakasan ng sambayanan. Sa ikatlong distrito ng Camarines Sur, tinapos ni Leni Robredo, ang maybahay ng yumaong Sec. Robredo, sa isang landslide victory ang halos 40 taon na paghahari ng mga Villafuertes. Nagtapos din ang halos 25 taon na pamamayagpag ng mga Gordon sa naging pagkatalo nina Anne Marie Gordon sa Olongapo City at James “Bong” Gordon Jr. sa pagka-congressman ng Zambales. Sa iba’t-ibang sulok ng Bulacan, ilang incumbent na mga mayors din ang pinalitan ng taong-bayan ng mga masasabing neophyte na mga kandidato. Sa bayan na lamang ng Norzagaray, nagwakas ang humigit na 20 taon pagpapalitan sa pagka-Mayor ng mag-asawang Fel at Matilde Legaspi sa pagkapanalo ng isang first time candidate.

Sadya yatang ganoon kahaba ang pisi ng mga Pilipino. Dekada ang kailangang bilangin bago ma-realize na kailangan nang mag-iba ang ihip ng hangin ng pamamahala. Kunsabagay, kultura din kasi yan. Ika nga ng isang kasabihan, “kapag napuno na ang salop maghahalo na ang balat sa tinalupan.” Nawa ang pagkayamot na naranasan sa iba’t-ibang lokal na mga bayan ay umabot na rin sa national positions. Sana sa susunod na eleksyon, mapalitan naman ang mga apelyido ng mga uupo sa Senado. Minsan kasi, kahit anong sarap, nakakaumay na din. Ang paalala ng Banal na Kasulatan sa Kawikaan 25:16 ay totoo pa rin: “ang pulot kahit anong tamis, isusuka lang din kapag lumabis.”

Ang Opinyon ng Pilipino ay isinulat ni Rei Lemuel Crizaldo ng Pananaw Pinoy. Dahil sa isang bansang may demokrasya, opinyon ng bawat isa ay mahalaga.

Author Description

Pananaw Pinoy

Ang "Pananaw-Pinoy" ay serye ng mga editoryal na naglalayong pulsuhan ang pangkaraniwang saloobin at pagtingin ng Pilipino sa ibat-ibang isyung panlipunan mula sa isang Kristiyanong pananaw. Napapakingan din sa http://febc.ph