Anyare sa “tuwid na daan”?

Anyare sa “tuwid na daan”?

State of the Nation Address 2013

Ito ang tanong ng sambayanan sa nakaraang SONA ni PNoy. Nangangalahati na sa kanyang termino ang Pangulo kaya’t nagtatanong ang bayan at ang kanyang mga kritiko ng dalawang bagay: tuwid nga ba ang daan at totoo ba na kapag walang kurap, walang mahirap?

Sa mga pahayag ng Presidente sa kanyang SONA nitong Lunes, umaalingawngaw ang mabuting balita na ibinida niya sa taong-bayan -ang Boss na kanyang itinuturing. Inisa-isa niya ang efforts ng pamahalaan na baklasin ang kultura ng korupsyon na nakabaon na sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno.

Una, ipinakita ng Pangulo kung paanong pwede magbago ang mga ahensyang dating pugad ng korupsyon at walang ginawa kundi maglustay ng kaban ng bayan. Ngayon, ehemplo na sila ng tapat at epektibong paglilingkod. Isa na dito ang DPWH kung saan 18.4. billion pesos na ang natipid ng gobyerno dahil sa tapat na pamamahala. At dahil sumusunod na sa isang pambansang plano, wala nang kaibigan at paborito, walang transaksyunalismo, walang padrino sa bawat tulay at kalsada na ipinapagawa. Ang natitipid na pondo nagagamit sa iba pang serbisyo publiko.

Ganito na rin daw ang ilan sa  mga GOCCs o government owned companies and corporations. Mga dating lugi ng milyon-milyon, ngayon kumikita na ng milyon-milyon. Isa na ang MWSS kung saan ang pagkalugi ng 34 million noong 2010 sa dating administrasyon, ngayon ay napalitan nila ng kita na 2 billion piso. Dahil na din ito sa ipinatupad na GOCC Governance Act noong 2011.

Pangalawa, pinagalitan ng Pangulo ang mga under-performing na mga ahensya ng gobyerno at patuloy pa ding nakasadlak sa kultura ng “pwede na” at “patsi-patsing” trabaho tulad ng National Irrigation Administration at Bureau of Customs. Pangungutya ng Pangulo: ang kapal ng mukha ninyo, wala kayong puwang sa serbisyo publiko!

Pangatlo, ipinakita din ng Pangulo ang efforts ng gobyerno na panagutin sa batas ang mga tiwali mapa-pulis, opisyal ng gobyerno, at maging mga negosyante. Sinampahan na ng kaso ang dating Secretary ng TESDA, mga opisyal ng PAGCOR, at PNP. At ang mga nagtayo ng mga gusali sa mga catch basins at water ways, humanda na din daw sa kasong isasampa ni Justice Secretary De Lima.

Pang-apat binigyang diin ng Pangulo na ang pagsugpo sa korupsyon at hindi lamang trabaho ng kanyang administrasyon kundi ng bawat isang kawani ng gobyerno. Hinamon niya ang matitinong opisyal na huwag magtago at sa halip ay makituwang sa pagpigil sa maling gawain sa kani-kanilang mga ahensya at ibandila ang kanilang mabuting ehemplo. Tanong din niya sa bawat Pilipino: “Ginagampanan po ng gobyerno ang kanyang obligasyon. Tanungin din po sana natin ang ating sarili: Ano ang inaambag ko sa solusyon?”

Natumbok ng Pangulo ang isa sa crucial na aspeto ng pagtataguyod ng good governance -ang “good citizenship”. Kakambal ng mabuting mga liders ay ang isang tapat at responsableng mamamayan. Sa orihinal na diwa ng ating sistema ng pamamahala kung saan sinasabing “sovereignty resides in the people”, napakahalagang bigyang diin ang katotohanan na maging good governance should start with the people. Tayong mga simpleng Pilipino ang simula ng pagbabago.

Ang tunay na transformation ng isang lipunan ay magmumula sa pagbabago ng puso at isipan ng bawat isang mamamayan. Walang “wholesale” na salvation maging sa problema ng lipunan na ating kinasadlakan. Ang tanong ngayon ng Pangulo, ano ang desisyon mo? Magpapasya ka bang ibigay ang buhay mo, ang negosyo mo, ang posisyon mo sa gobyerno upang ipagpatuloy ang pagtahak ng bayan sa tuwid na daan?

Ang Opinyon ng Pilipino ay isinulat ni Rei Lemuel Crizaldo ng Pananaw Pinoy. Dahil sa isang bansang may demokrasya, opinyon ng bawat isa ay mahalaga.

 

Author Description

Pananaw Pinoy

Ang "Pananaw-Pinoy" ay serye ng mga editoryal na naglalayong pulsuhan ang pangkaraniwang saloobin at pagtingin ng Pilipino sa ibat-ibang isyung panlipunan mula sa isang Kristiyanong pananaw. Napapakingan din sa http://febc.ph

  • lovely moreno

    aw oh juds